Ang kabuluhan ni Apolinario Mabini sa kasalukuyang panahon

published in The Philippine Online Chronicles, 31 July 2014

photo from Google

photo from Google

Kung nabubuhay si Apolinario Mabini, tiyak na pupulaan niya ang mga nag-aastang “thinking class” na walang inatupag puntiryahin noong nakaraang State of the Nation Address (SONA) kundi ang basurang naiwan daw ng mga raliyista at perang nalustay diumano sa sinunog na effigy. Pupunahin niya ang mga ito at pangangaralan na ang basura ay ang mismong talumpati ng pangulo, na nakatala na sa kasaysayan ng mga progresibong kilusan sa buong mundo ang pampulitikang kabuluhan ng pagsusunog ng mga effigy.

At hindi lang doon magtatapos ang pangangaral ni Mabini. Hihimayin niya ang talumpati, iuugat ito sa kasaysayan ng krisis ng lipunang Pilipino, at ihihirang na, noon man at sa kasalukuyan, karapatan ng mamamayang tumindig laban sa paghahari ng iilan at dayuhan.

Hindi kasalanan ng karamihan kung halos hindi nagunita ang ika-150 anibersaryo ng kapanganakan ni Mabini noong Hulyo 23. Sa mga teksbook at sa eskwelahan, hindi malawig ang itinuturo tungkol sa kanyang buhay at pakikibaka, liban sa pagiging “Dakilang Lumpo” at “Utak ng Rebolusyon” – sa huling katawagan nga’y kahati pa niya si Emilio Jacinto. Ang totoo’y hindi nabibigyang-hustisya ng naturang mga titulo ang nakapalaking naging ambag ni Mabini sa rebolusyong Pilipino.

“Ilustrado”

Bagamat itinuring na “ilustrado” dahil sa kanyang propesyon at natapos sa akademya, galing si Mabini sa pamilya ng mahirap na magsasaka. Ang hindi alam ng marami ay kinamuhian siya ng mga kapwa niya ilustrado noon, ang mga tinuringang “thinking class”, dahil sa kanyang di-natinag na dedikasyon sa Rebolusyon. Hindi lang siya basta propagandista o “utak”. Bagamat aminado siyang hindi niya kinayang sumabak sa aktwal na digmaan, nanatiling palaban at nasa panig ng masang mamamamayan si Mabini hanggang sa huli.

Katangi-tangi ang kanyang naging kontribusyon sa matalas na pagsusuri sa lipunan. Isinulat niya ang mga pampletong “El Verdadero Decalogo (Ang Tunay na Dekalogo)” at “Ordenanzas de la Revolucion (Ordinansa ng Rebolusyon)” na nagsindi sa rebolusyonaryong diwa ng masa at hukbo ng Rebolusyon. Isinulat niya ang deklarasyon ng kasarinlan ng Pilipinas (Philippine Independence) at binuo ang istraktura, programa sa Konstitusyon at ligal na kaayusan ng naudlot na rebolusyonaryong gobyerno noong 1898 kung saan siya ang tumayong Prime Minister bago mahirang na presidente si Emilio Aguinaldo.

Inimbitahan siya ni Aguinaldo na maging Presidente ng Gabinete (katumbas ngayon ng pusisyong Executive Secretary na ginagampanan ni Paquito Ochoa). Inilarawan niya ang kanyang Gabinete bilang “isang Gabineteng walang partido, at walang layuning magtayo ng isang partido; walang ibang kinikilingan kundi ang interes ng Inang Bayan.” Sa puntong ito, lalong higit siyang kamumuhian ng mga kapwa niya ilustrado, lalupa’t isa-isa na nilang tinalikuran ang mga layunin ng Rebolusyon at nadala na sa agos ng repormismo sa loob ng gobyerno ni Aguinaldo.

Ang “tuwid na daan”, ayon kay Aguinaldo

Nang paslangin sina Andres Bonifacio at Hen. Antonio Luna, na pinaniwalaan niyang sa utos mismo ni Aguinaldo, nagbitiw si Mabini bilang Presidente ng Gabinete. Isinulat niya ang La Revolucion Filipina (Ang Rebolusyong Pilipino) at dito binaybay kung bakit tiyak na mabibigo ang Rebolusyon sa pamumuno ni Aguinaldo.

Para kay Mabini, “ipinakita ni Aguinaldo ang walang-kapantay na pagkaganid sa kapangyarihan, at ito ang sinamantala ng mga kaaway ni Luna para udyukin si Aguinaldo na ibagsak siya.”

Aniya pa, “Kung susumahin, nabigo ang Rebolusyon dahil sa maling pamumuno; dahil ang pinuno ay nanalo sa pamamagitan ng tusong pamamaraan; dahil sa halip na suportahan ang mga tauhang pinakamalaki ang pakinabang sa mamamayan, tinanggalan niya ang mga ito ng pakpak dahil sa matinding pagseselos at kahibangan…Sinukat niya ang halaga ng mga tauhan sa kanyang gobyerno hindi sa kanilang abilidad, katangian at patriyotismo kundi sa pagkakaibigan at personal na pakinabang niya sa mga ito; at dahil sa panganib na mawalan ng suporta mula sa kanyang mga kaalyado, nagparaya siya sa mga ito sa kabila ng kanilang mga krimen at katiwalian.”

Kaya naman kung buhay si Mabini, magngangalit siya sa nakaraang SONA. Mapapailing siya sa mga palakpakan ng mga ilustradong nakabarong at magarang mga terno at bestida. Iisa-isahin niya kung sino sa kanila ang mga kamag-anak, kaklase, kaibigan at kabarilan ng pangulo. Sasabihin niyang si BS Aquino at si Aguinaldo ay walang pinag-iba. Ihahalintulad niya ang maling pamumuno ni Aquino sa pamumuno ni Aguinaldo, pawang nagsisilbi sa pagkaganid sa kapangyarihan at sistemang padrino (patronage politics).

Anti-imperyalista

Isa pang dahilan ng pagbibitiw ni Mabini sa gobyerno ni Aguinaldo ang pagbebenta nito sa soberanya ng bansa sa Amerika. Sa mga ilustradong naging simpatiko sa Rebolusyon, si Mabini ang tanging nanatiling dedikado sa interes ng kalakhang mamamayan at sa pagpapatuloy ng rebolusyonaryong pakikibaka, sa pagkakataong ito laban naman sa Amerika.

Di tulad ni Aguinaldo, walang tiwala si Mabini sa mga Amerikano – na sa umpisa’y nagpresenta na tulungan ang Pilipinas na makalaya sa Espanya. Sa katunaya’y tinuligsa niya ang deklarasyon ng kasarinlan noong Hunyo 12, 1898, para sa kanya’y hilaw (premature) pa ito, dahil bagamat malinaw sa mga Amerikano ang tunay na layunin ng Pilipinas, hindi pa noon malinaw kung ano ang interes ng Amerika. Gayunpaman, nanaig ang kagustuhan ni Aguinaldo at ilang mga ilustrado.

Di naglaon, nabunyag din ang tunay na motibo ng Amerika. Noong Disyembre 1898, isinikreto ni Aguinaldo sa sambayanang Pilipino ang pagbili ng Amerika sa Pilipinas mula sa Espanya sa halagang $20 milyon. Pagsapit ng Pebrero 1899, nagsimula na ang Digmaang Pilipino-Amerikano.

Naging pangunahing luminaryo si Mabini sa pagbatikos sa okupasyon ng Amerika sa Pilipinas. Tinuligsa niya ang propaganda ng Amerika na ang tanging layunin lang daw ng kanilang okupasyon ay para sa pagsasanay (training) ng mga Pilipino sa pagtatayo ng gobyerno. Nanindigan siyang hindi kailanman matututunan ng Pilipinas ang pagtayo sa sariling paa hanggat nasa ilalim ito ng dayuhang kontrol. Binangga niya rin ang argumento ng Amerika na ang okupasyon sa Pilipinas ay magsisilbi para sa pag-unlad ng bansa. Aniya, anumang pag-unlad na iaanak ng okupasyon ng Amerika ay magsisilbi sa Amerika at hindi sa sambayanang Pilipino.

Kaya’t kung nabubuhay si Mabini, hindi lang SONA kundi pagbisita ni Obama at pagpirma sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at iba pang mga makaisang-panig na tratado sa pagitan ng Pilipinas at Amerika ang babatikusin niya. Kokondenahin niya ang pangangayupapa at patuloy na suporta ni Aquino sa Amerika sa kabila ng mga gerang agresyon sa Libya, Iraq at Syria at masaker ng mamamayang Palestino sa Gaza. At tulad ng iba pang mga kritiko at kaaway ng Amerika, inaresto si Mabini ng tropang Amerikano, sa tulong ng mga traydor na Macabebe Scout, at ikinulong sa Fort Santiago mula Disyembre 11, 1899 hanggang Setyembre 23, 1900.

Nang makalaya, patuloy na nangampanya si Mabini laban sa okupasyon ng Amerika. Tinanggihan niya ang mga alok sa kanyang magsilbi sa kolonyal na gobyerno, at tumanggi rin siyang manumpa sa bandila ng Amerika (oath of allegiance). Dahil dito, ipinatapon siya sa Guam kung saan nanatili siya ng dalawang taon.

Noong Pebrero 1903, lipol ng karamdaman at nanganganib na baka sa ibang bayan siya malagutan ng hininga, nagdesisyon si Mabini na manumpa sa Amerika bilang kundisyon sa kanyang pagbalik. “Matapos ang dalawang mahabang taon ako’y nagbabalik, ika nga, lubos na napanghihinaan, at mas masaklap pa, halos natupok na ng karamdaman at kahirapan. Gayunpaman, dasal ko’y, matapos ang ilang panahon ng pahinga at pag-aaral, ako’y mapakinabangan pa ng mamamayan, liban lang kung ako’y nagbabalik sa Pilipinas para na lamang sa tanging layuning mamatay sa aking lupang tinubuan.”

Sa dismaya ng Amerika, nagpatuloy pa rin sa Mabini sa kanyang gawain, patunay na seremonyal lamang ang kanyang panunumpa. Hindi niya tinantanan ang pangangampanya para sa tunay na kasarinlan at kalayaan ng Pilipinas hanggang sa mamatay siya noong Mayo 1903 sa sakit na cholera, 10 araw at dalawang buwan bago ang kanyang ika-39 na kaarawan.

Si Mabini sa kasalukuyang panahon

Kung nabubuhay si Mabini, tiyak na matalas na kritiko siya ng kasalukuyang administrasyon.

Lalabanan niya ang korapsyon, sistemang padrino at pamamayani ng iilang elitista sa kapangyarihan. Tutuligsain niya ang panunumbalik ng mga tropang Amerikano, at ang planong lalo pang ibuyangyang ang rekurso, lupain at likas-yaman ng bansa sa dayuhang kontrol. Maninindigan siya para sa tunay na kalayaan at demokrasya. Tulad kay Aguinaldo, ihahayag niyang mabibigo ang kasalukuyang gobyerno ni Aquino.

Babaguhin niya ang nilikhang imahe sa kanya ng kolonyal at nanatiling mala-kolonyal na sistema. Palalawigin niya ang nakasulat sa mga teksbuk na naglalayong gawin siyang “poster boy” ng tinaguriang “thinking class” kuno – dinadakila ma’y pinanatiling “lumpo”, sa halip na isa sa mga tunay, magiting at dakilang rebolusyonaryo ng kanyang panahon. Higit sa lahat, tiyak siyang maninindigan sa patuloy na kabuluhan ng rebolusyon para sa tunay na pagbabagong panlipunan:

“Ang rebolusyon ay marahas na pamamaraang ginagamit ng mamamayan, sa paggigiit ng kanilang karapatan sa kasarinlan na marapat lamang na sa kanila, upang wasakin ang isang gobyerno, at palitan ito ng bagong gobyernong makatwiran at makatarungan.”

Sa paggunita sa ika-150 anibersaryo ni Mabini, matamang balikan ng mga “ilustrado” ng kasalukuyang panahon ang kanyang nananatiling makabuluhang sambit, “Upang maitindig natin ang bantayog ng ating lipunan, kailangang radikal nating baguhin hindi lamang ang ating mga institusyon kundi maging ang ating pag-iisip at pamumuhay. Kailangan ang rebolusyon, hindi lamang sa panlabas, kundi lalo na sa panloob!”. ###

Advertisements
Posted in Uncategorized | Leave a comment