Ang trip ni Ricky Lee

 

Ricky Lee on the imprisonment of former political detainee/poet-artist Ericson Acosta

Ricky Lee on the imprisonment of former political detainee/poet-artist Ericson Acosta

published in The Philippine Online Chronicles, Saturday, 19 April 2014

“Hindi ka tuturuan ng librong ito kung paano magsulat. Buhay ang gagawa no’n,” ang pasintabi ni Ricky Lee sa kanyang Trip to Quiapo, Scriptwriting Manual. Lee turned 66 last March 19. At kung ang more than 150 film scripts, limang dula, maraming articles, published short stories at dalawang nobela niya ang pagbabatayan, malaki ang kinalaman ng “buhay” sa success ng self-professed “un-learned” writer na ito.

Malayo na nga ang narating ni Lee mula sa pagiging starry-eyed probinsyanong taga-Daet, Camarines Norte na umangkas sa bus para makipagsapalaran sa Maynila. Pagdating sa syudad, he lived and survived the hustle and the bustle – nagpagala-gala, nag-odd jobs, nakitira kung kani-kanino, hinimatay sa Avenida dahil sa matinding kalam ng sikmura.

Makailang beses na ring sinabi ni Lee na ina-attribute niya ang kanyang tagumpay sa simpleng “katangahan”. “May pagka-bobo ako,” sambit niya sa isang forum kung saan inimbitahan siyang magsalita tungkol sa pinakabago niyang nobela. Syempre pa, natigalgal ang lahat. Paanong bobo o tanga ang isang manunulat na tulad niya?

Ang “katangahang” tinutukoy ni Lee ay ang pagiging bukas at handang matuto sa “buhay”. Tumakbo siya mula Daet in pursuit of his dreams, walang plano, walang pera, walang padrino, basta lang. Kung hindi nga naman kabobohan ito, ano pa?

Personal trip

Aniya, ang pag-alis niya noon ay para sa kanyang “personal na paglaya”. Ninais niyang lumaya mula sa kinabukasang nakahain noon sa kanya. Para sa kanya, sinalba siya ng sariling kabobohan. Hindi siya nagkasya sa pahiram-hiram lang ng mga libro sa provincial library, o sa pakikinig ng pelikula sa loudspeakers sa labas ng sinehan dahil wala siyang perang pambili ng ticket, kaya when he got the chance, umalis siya. Ang chance na iyon ay sa porma ng P50 cash prize na nakuha niya sa pagka-publish ng short story niyang “Mayon” sa Philippine Free Press. Kaysa ipambili pa ng ticket sa sinehan, bumili siya ng ticket ng bus pa-Maynila.

Paglaon, nakapasok siya sa University of the Philippines bilang AB English major. Sa UP unang namukadkad si Lee bilang manunulat. Nanalo siya ng mga literary contest, dumami ang mga kaibigan niyang kapwa-manunulat. Doon siya nakilala bilang Bikolano-Chinese-na-AB-English-major-pero-nagsusulat-sa-Tagalog. He found his niche, ika nga. He was among his peers. Hindi niya makukuha ang kanyang diploma pero mas marami siyang nakuhang mas makabuluhan pang iba. (Later, in-your-face sa UP na muli siyang maliligaw doon para maging propesor ng scriptwriting sa College of Mass Communications.)

Biyaheng underground

Ang panahon ni Lee sa UP ay panahon ng matinding galit at aktibismo ng kabataan at estudyante para sa mga mahihirap, kinakahon at inaapi. At dahil konkreto para sa kanya ang mga konseptong ito, ipinamalas niya ang kanyang aktibismo sa paraan pa rin ng pagsusulat bilang journalist noon sa Philippine Free Press.

Sumali siya sa PAKSA (Panulat para sa Kaunlaran ng Sambayanan) kasama sina Bienvenido Lumbera at Pete Lacaba. Ayon kay Lumbera, “PAKSA found in this young journalist (Lee) a dedicated cultural worker, tireless and fearless in seeking our subjects that would project the imminence of a social revolution. During this period in his life, Lee now claims that working within the movement brought focus to his world which he had built on improvised props salvaged from instinctive activism, existentialism, hippie values and agnosticism. The outside world and its component elements began to make sense, bringing stability and purpose to his existence.”

1972, Martial Law, ibinuhos na ni Lee ang buong buhay niya sa kilusan, nag-underground na siya. “Pero nangailangan ako ng pera.” Dito na nagsimula ang pagsusulat niya ng pelikula.

Habang nasa underground, lumutang siyang panandali noong 1973 nang malamang naghahanap ng scriptwriter “na may Chinese blood” si Joseph Estrada para sa pelikula niyang “Dragnet”. Kahit walang background o technical training sa scriptwriting, nagpresenta si Lee. Aniya, “Ang background ko ay pagsusulat ng short stories. Walang mga workshops noon, o mga scriptwriting subjects sa mga eskuwelahan. Walang mga manuals. Walang mga kaibigang mapagtatanungan.” Gayunpaman, natapos niya ang script (pero hindi niya pinalagay ang pangalan sa credits), napalabas ang pelikula at bumalik siya sa underground.

By 1974, kaliwa’t kanan na ang crackdown sa mga aktibista. Nireyd ang bahay ni Lee at ikinulong siya ng isang taon sa Fort Bonifacio. “Sa loob ng isang taon ay binuo ko doon ang samu’t saring mga ideya tungkol sa mga pelikulang gusto kong gawin, mga characters na gusto kong buhayin sa screen. Syempre walang nangyari,” aniya.

Until Jaguar came along.

Script-writer

Pagkalabas ng kulungan, muling sumabak si Lee sa scriptwriting. Pero tulad ng dati, hindi naging automatic ang success para sa kanya. 1975 siya nakalakabas ng kulungan, 1979 pa niya makukuha ang big break niya. Matapos ang critical succes ng Jaguar, tuluyan nang niyakap ni Lee ang mundo ng pelikula at buong-buo rin siyang niyakap ng industriya.

Brutal”, “Salome”, “Moral”, “Himala”, “Karnal”. Ilan lamang ito sa mga obra ni Lee na matuturing nang mga “classics”, mga dyamante ng pelikulang Pilipino ng kontemporaryong panahon. Sa mga ito na-immortalize ang husay ni Lee na maghabi ng istorya. Tulad ng dati, hindi siya nagpakahon sa “pormula”. Ang plot, characters at storyline ay laging bumabalikwas sa nakagawian na. Na-master niya ang pag-aambon ng matalino at tusong mix ng sequences, dialogue at imagery na ang layunin ay kilitiin ang utak at emosyon ng manonood.

Siya na rin ang nagsabi na masuwerte siyang nakatrabaho ang ilan sa mga pinakamahuhusay na direktor ng kanyang panahon – sina Lino BrockaIshmael BernalMike de LeonLaurice GuillenMarilou Diaz-Abaya at iba pa. Ang pelikula nga naman ay isang collaborative effort. Hindi malilikha ang obra ng scriptwriter lang. Pero malamang din, ibang Lee na ang lumilikha ng script, lalo na matapos siyang magkaroon ng “pokus”, ika nga ni Lumbera. Sa panahong ligalig at nag-aalimpuyo ang kinikitil na damdamin ng mamamayan, malaking bagay ang henyo ni Lee na manghuli ng pulso ng masa at ang kanyang masterful na paggamit ng mga imahe at metapora para ipakita ang kalagayan ng lipunang ginagalawan ng characters niya.

Ayon kay Lee, “Noong nagsisimula pa lang akong magsulat professionally, noong first working day namin sa isang magasin ay naglakad ako at nabangga sa isang malaking panel na salamin. Basag ang buong salamin. Natusok ako sa mga braso at mukha. Pinagtawanan ako ng mga kasamahan ko. Pati ng nurse sa clinic…Pero ngayon alam ko na. Meron pa akong mga bubog sa loob ng katawan ko. Kaya nga may mga nararamdaman akong hindi nila nararamdaman.”

Full circle

Ngayon, mula pa noong 1982, patuloy na nagsasagawa si Lee ng mga libreng scriptwriting workshops. Hindi siya madamot. Hindi rin siya condescending. Hindi niya kailaman sinasabi na kailangang napagdaanan ng mga estudyante niya ang lahat ng mga pinagdaanan niya para makamit nila ang success.

Aniya, “Sabi nila magsulat ka lang tungkol sa mga alam mo. Hindi laging totoo. Magsulat ka sa mga alam mo pero hanapin mo doon ang hindi mo alam. Kung sobra mo nang alam ay ano pa ang magiging journey of discovery mo? Ang misteryo ng hindi mo pa alam ay nag-aalok ng paglalakbay sa dilim. Sumuong ka. E ano kung mawala ka. Iyon ang essence ng pagsusulat.”

Ang isa pang essence, para kanino ba nagsusulat? Walang ilusyon si Lee sa puntong ito. Alam niyang bilang scriptwriter sa industriya ng pelikula, at telebisyon, “a pound of flesh” ang kapalit nito para sa kanya. Ibig sabihin, alam niyang minsan kailangan niyang lunukin ang vision para lamang ma-aprub ang script niya. Lalo na ngayong bantad na ng ADHD at komersyalismo ang industriyang kanyang kinagagalawan. “(But) I decided to stay, to make it worth it, ‘yung pound of flesh na ‘yun. Magbabayad ako kung magbabayad, kung ‘yun ang kailangan.”

Kaya hindi siya madamot. Marahil batid niya ring para mas maisakatuparan ang vision niya, paminsan-minsa’y kailangan niya ring mag-balancing act. Ang resulta: marami sa mga naging mga estudyante niya ay pawang mga scriptwriter na rin ngayon ng mga indie at short films na sa isang banda’y pagbalikwas sa “kumbensyunal” na cinema.

Hindi rin siya madamot sa kanyang mga kawsa (cause). Siya rin mismo ay hindi nakokopo. Tulad noong Martial Law, maasahan si Lee na mag-aambag ng kanyang boses at paninindigan laban sa pagkitil sa karapatang-tao, lalo na ng freedom of speech, freedom of expression at iba pang civil liberties. Nitong 2011, isa si Lee sa mga nanguna sa panawagang palayain ang poet-activist na si Ericson Acosta nang makulong ito sa Samar.

Isa pa rin si Lee sa mga makabayan at progresibong manunulat ng kasalukuyang panahon. Nang isulat niya ang Para Kay B, ang una niyang nobela, in-envision niya ang libro para mabasa ng iba’t ibang uri ng lipunan, mayaman man o mahirap, nakapag-aral o hindi, may trabaho o wala. May panata rin siyang sa Tagalog (o Filipino) lang magsusulat, at nangangarap na sana’y mas maraming locally published books ang ibinebenta sa mga book store, na sana’y hindi lang nagbabasa ang mga estudyante ng mga ito dahil required reading sa eskwelahan.

Pangarap din niya na balang-araw maging kasing-popular ng mga libro ang blockbuster films. “Gusto kong makilala ako na I’m a writer, na I’m not just a scriptwriter. In the end, ‘pag nawala na ako, sana ‘pag pinag-usapan nila ako, sasabihin nila, ‘A, oo, si Ricky, ‘yung writer.’”

Nitong mga nagdaang taon, nagpokus na nga si Lee sa pagsusulat ng mga nobela. Muling napukaw ang passion niya sa scriptwriting nang gawin nila ni Joel Lamangan ang “Burgos: A Mother’s Love”, pelikula tungkol sa enforced disappearance ni Jonas Burgos, anak ng batikang journalist na si Joe Burgos, sa ilalim ng Oplan Bayanihan ng dating rehimeng Gloria Arroyo. Bukod sa malapit sa kanyang puso ang paksa, aminado siyang na-miss niya rin ang pagsusulat ng screenplay. “Akala ko di ko mami-miss ang pagsusulat ng pelikula, pero noong sinusulat ko na ang ‘Burgos’, na-realize kong na-miss ko rin pala. Now, I am doing three other films immediately after this project, namely ‘Lihis’, “Lauriana’ and ‘Para Kay B’.”

Anu’t anupaman, ang trip ni Ricky Lee is far from over. Wala siyang dapat ikabahala dahil kikilalanin, at kinikilala na, siyang great writer ng kasalukuyang panahon – mapa-filmscript man, short story, teledrama o nobela. At hanggang patuloy ang buhay, patuloy siyang magsusulat, “Mag-retire, tumigil magsulat, parang hindi pwede…May deadline o wala, may pera, may inspirasyon, may dahilan man para magsulat, nagsusulat ako kasi writer ako. ‘Pag tumigil ako sumulat, para akong tumigil huminga.”

 

Advertisements
This entry was posted in Uncategorized. Bookmark the permalink.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s