HQ*

Pare-pareho halos ang katangian – marumi, magulo, mala-bodegang tambakan.

Bagong-bago sa umpisa, niluluma ng panahon pagkaraka. Laging maraming tao, laging maingay at sa kapitbahay ay perwisyo.

May conference room na ‘tulugan’ din pagsapit ng gabi, o computer room kung saan dito lang pwedeng magyosi. May tambayan – sa harap, sa bakuran, sa bubong, sa kalapit na tindahan (kapag sira o tinotopak ang TV, sa tindahan nakikinood ng balita o Eat Bulaga).

Kadalasa’y masikip dahil maliit lang ang espasyo. Halos lahat ay pinuputakte ng anay, ipis, surot at kung anu-ano pang perwisyo.

Patak-patak sa lahat ng bagay: pagkain, toothpaste, sabong panglaba o pampaligo, minsa’y pati na rin sigarilyo. Mainit (iisa lang ang bentilador), malamok (magpapapatak pa ng pambili ng katol).

Welkam, welkam sa HQ, pasok po kayo.

Bakit nga ba HQ? Mahilig daw kasi ang mga tibak sa mga acronym – IBP, DRB, LRP, TOFI. Mas ‘eksklusibo,’ ‘yun bang parang kayo-kayo lang ang nakakaintindi at magpapauso. ‘Koda’ nga ba itong maituturing, o sadyang likas lang sa mga tibak na pasimplehin, angkinin at bigyang-buhay ang mga pangalan, pangngalan at konsepto?

Kaya nga pati ang HQ, nagiging ‘buhay’ din. Nagiging parang taong may sariling katangian pare-pareho man (ang nagiging hitsura’t kahihinatnan). Madalas, tinatagurian ang mga HQ sa mga kalsada at lugar na kanilang kinatitirikan – DQ (Don Quijote), Matimyas, Dapo, P. Noval. Ang bawat HQ ay may sariling pangalan. At bakit hindi? Kung ang bawat HQ naman ay may kani-kaniya ring kasaysayan.

Kakatuwang tanungin ang sinumang tibak ng iba’t ibang henerasyon at tiyak na may maaalala siyang karanasan sa bawat sulok, kubeta, kasilyas, kusina, conference room/kwarto/tulugan ng HQ na kaniyang inabutan.

Hindi raw malimutan ng mga mas nakatatanda kung paanong nagmistulang ‘war room’ ang HQ sa Maria Clara. Papano’y panahon ng ‘recti’, minu-minuto ang mga tunggalian at debate. Alin ang tama, alin ang mali? Kung makapagsasalita ang kisameng butas-butas, tiyak sa mga debate ito’y napantas.

Kung makakapagtestimonya naman ang sawaling dingding ng P. Noval, ikukuwento nito kung paanong nagpuyat ang mga lider-kabataan sa mga pulong/prodwork/talakayan para sa pagpapatalsik kay Erap. Sa Sto. Tomas, kasabay ng pag-apaw ng kubeta ang pagbulwak ng mga makabagong aral at karanasan ng paglahok ng kabataan sa eleksyon. Nagmistula namang simbolo ng paglakas ng organisasyon ang pagkapuno ng mga OP (operation-pinta) sa bakod ng Matimyas – “Oust GMA!”, “Edukasyon ay karapatan!”, at may naligaw pa ngang, “Viva CPP-NDF-NPA!”.

‘Buhay’ ang mga HQ dahil sa mga kasama at tibak na nagbibigay dito ng hininga. Hindi HQ ang HQ kung walang mga kasama, hindi ito HQ kung walang aktibidad at pakikibaka. Ang sabi pa nga ng isa kong kakilala, ‘ibahin ang HQ sa opisina.’ Wala itong oras ng pag-iral, laging may kaganapan, kampanya man o masigabong pag-aaral.

Pare-pareho halos ang katangian – marumi, magulo, mala-bodega. Pero laging may tawanan, laging may saya sa ligalig at pakikibaka.

Minsan, binabalot din ng lungkot ang HQ. Para itong magulang na nangungulila kapag nalalagasan ng isang kasama. Noong pinaslang sina Cris at Ambo, tila luhang ayaw mapatid ang tulo sa gripo. Ungol-hinagpis ang katumbas ng pihit ng kinalawang na pinto nang mapabalitang napatay si Erika sa isang engkwentro.

Sa mga panahong tulad nito, nananahimik ang HQ. Sa makailang sandali’y nagbibigay-pugay at parangal sa mga kasamang minsan din nitong kinandili. Pero di maglalaon, mabubuhay itong magmuli.

Tuluy-tuloy lang, ito rin kasi ang mensahe ng mga kasamang namaalam.

Kaya welkam, welkam sa HQ, pasok po kayo.

E papaano kamo kung walang HQ? Ang HQ kasi’y katumbas din ng rekurso, totoo. Gayon din naman, tuluy-tuloy lang. Hindi ba’t ang HQ ay hindi HQ kung walang mga kasama, hindi ito HQ kung walang aktibidad at pakikibaka? ###

*artikulong isinulat para sa 30th anniversary issue ng Commitment, pahayagan ng League of Filipino Students.

Advertisements
This entry was posted in Uncategorized and tagged , , . Bookmark the permalink.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s