sa mata ng kukote ni dongabay

Minsa’y tunog-PAN, minsa’y tunog-YANO pa rin ang mga kanta sa Flipino, ang bagong album ng bagong banda ni Dong Abay.

Pero matagal nang wala ang YANO, nagpahinga na rin ang PAN. Ang natira, payak na pagsubok na sumabak ngayong palasak na panahong kahit sino na lang ay pwedeng maging ‘banda’ – dongabay (small caps lang daw po, plis lang): sina Dong Abay sa vocals, Vinty Lava sa gitara, R2 Pioquindo sa bass at Abe Billano sa drums. (Sa album recording, si Buddy Zabala ang nag-bass at si Raymund Marasigan ang pumalo ng drums.)

Pero ‘di tulad ng ibang bagong banda, hindi basta-bastang naka-‘jackpot’ lang ang dongabay. Ito siguro ang dahilan kung bakit tila nag-capitalize na si Dong sa kanyang pangalan. Sa isip-isip niya, ipabatid man lamang ang mensahe sa publiko: ‘Ibahin niyo ito.”

Tulad ng dati, walang sinumang nakakaintindi sa isip-isip at guni-guni ni Dong kundi malamang siya lamang. Sa isa pang pagkakataon, muli na namang mamamangha ang takapakinig sa kanyang mga kanta-katha. Orihinal pa rin ang mga kwento-naratibo ni Dong. Simple lang ang mga salita, masasaulo ng kahit pa pinakamangmang na tambay sa kanto:

Okay lang kung tuyo na ang buhok/ Tulog ka na kapag inaantok./ Okay lang kung tuyo na ang batok/ Punas-pawis para di amoy putok./ Okay lang kung tuyo na ang mata/ Tapos na yatang umiyak, di ba?/ Okay lang kung tuyo na ang paa/ Di ka na magkakaalipunga.

Pero ano kung tuyo na ang dugo/ Kahit tiyan ay di na kukulo?/ Ano kung tuyo na ang puso/ Baka biglang maglaho ang pagsuyo.

Dehins okay, dehins okay, dehins okay./

Sabi ng isang kakilala, pwede raw maging ‘rapper’ si Dong dahil magaling siyang mag-rhyme. Sabi ng isa pa, ‘kasi makata siya.’ Sa ibang mga kanta sa Flipino, mahihinuhang tila ‘nagpa-practice-writing’ nga si Dong. Nilalaro ang mga kataga at talinhaga. Ibang mensahe naman ito: “Ibahin niyo ako. Seryoso ako sa pagsusulat ko.” Matapos ang matagal na panahon, grumadweyt na rin pala siya, BA Philippine Studies sa Unibersidad ng Pilipinas.

At ‘seryoso’ nga marahil si Dong na ipamalas sa mundo ang mga natutunan niya:

“Kung sa isang iglap makalimutan ng diyos/ Na ako ay isang manyikang basahan/ At kanyang pagkalooban ng kapirasong buhay/ Hindi ko sasabihin lahat ng naiisip/ Sa halip ay iisipin lahat ng sasabihin./ Itatangi ko ang bawat bagay-bagay/ Hindi lamang sa kahalagahan nito/ Kundi sa kung ano ang kahulugang totoo./

Ako’y matutulog ng kaunti/ Mas mananaginip/ Mauunawaan na sa bawat minutong pagpikit/ Nawawalan tayo ng animnapung segundo ng liwanag.”

O hindi:

“Marami akong natutunan mula sa mga nilalang/ Ngunit ang katotohanan wala itong pakinabang./ Kahit pa ingatan ko sa loob ng maletang ito/ Malungkot ko pa ring lilisanin ang mundo.”

Kaya siguro nananatili at hindi tinatalikdan ni Dong ang nakaugalian niyang istilo ng pagsusulat. Mas mahalaga pa nga rin, kung tutuusin, na naiintindihan ng simpleng tao ang kanyang musika.

Busog sa talinhaga at sumusuka sa karanasan ang mga kanta sa Flipino. Naroon pa rin ang mga padyak-pasaring ni Dong sa buhay-buhay. Pwedeng hindi niya sinasadya, pero nabubudburan pa rin ang mga kanta ng trademark-Dong na mapapait na komentaryo-sosyal:

“Tambay sa tulay/ Ang matandang pilay/ Akbay ang saklay/ Mata’y matamlay/ Aay buhay.

Ngalay na ngalay/ Kanyang kanang kamay/ Panay ang antay/ Grasya’y ibigay ng buhay./ Ay buhay

Ay buhay, siya’y parang isang lantang gulay/ Walang humpay sa hanapbuhay/ Ang lagay matirang matibay/ Ang lagay matirang matibay/ Ay buhay.”

Habang hindi pa rin alam kung matatawa o malulungkot ba sa ilan pang pilit niyang ‘pinagagaan’:

“Naghahanap ng pagkain sa basura/ Ang masarap sa patingin tira-tira/ Nakahiga at binabalot ng sakong sira/ Batang-gala plastik na supot ang himala.

High na high sa highway/ Solb na solb sa solvent/ High na high/ Solb na solb/ Sa highway, sa solvent.”

Nananatiling ‘personal’ naman ang ilan. Sa isang kanta, para siyang nangungutya. Naiinis dahil hindi sumasabay ang mundo sa ‘bagong-buhay’ niya:

“Bukas ba paggising ko tahimik na/ Walang gulo, walang gulo/ Kung kailan ang linaw ko ang labo mo/ Ang labo mo naman, mundo!”

Sa isa pa, tila nanghahamon si Dong na huwag siyang husgahan. “Wala, wala namang perpektong tao/ Ano ba ang epekto, kung mayroon kang depekto?”

Pero kung anupamang ‘depekto’ ni Dong, tiyak ang mga takapakinig ay hindi naman masyadong magrereklamo. Mas nakamamangha pa ngang hanggang ngayon, matapos ang mahabang panahon, ‘maiintindihan’ pa rin ng masa si Dong.

Sinusubukan niya pa rin kasing magpaliwanag:

“Gaano man kadilim magliliwanag pa rin/ Nakikita ba ang bahagharing itim?/ Ang buwan na bulag?/ Ang basag na bituin?

Naririnig din sa buong papawirin/ Bihag ang kulog, kidlat ay alipin/ May ulap na, may gubat, may dagat pa/ Sa mata ng aking kukote/ Sa mata ng ating kukote/ Umiiyak ang diyos hahalakhak pagkatapos.

Nabasa ka kaya sa patak na bumuhos?/ Lumubog man ang lupa may ilog pa rin na aagos/ Malaya’y malawak malaya at di nagagapos!

Sa mata ng kukote ni Dong, doon daw nakikita ang isang-ibang-totoong mundo. ##

Advertisements
This entry was posted in Uncategorized and tagged . Bookmark the permalink.

One Response to sa mata ng kukote ni dongabay

  1. Anonymous says:

    hi to all bloggers!! this is not a spam.. this is the same msg sent to all cool pinoy bloggers out there. our site to discuss our blogs and advertise your blog is http://www.pilipinas.co.nr marami na pong sumali. Salamat po.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s