Hibik at Himagsik: Si Dr. Lumbera, Pambansang Artista, Aktibista


Gaya ng halos lahat ng larangang kinasasangkutan ng pamahalaan, batbat din ng kontrobersiya ang paghalal para sa Gawad para sa mga Pambansang Artista ngayong taon.

Pinakakontrobersyal ang mistulang ‘bigay-bawi’ ng gawad sa yumaong si Fernando Poe, Jr, tinaguriang Hari ng Pelikulang Pilipino, para sa kategoriyang film (pelikula). Pero sa huli, namayagpag pa rin ang deka-dekadang di-matatawarang ambag ni FPJ sa pelikulang Pilipino. Hindi ito natapatan ng pag-alinlangan ng gobyerno na gawaran ng mataas na parangal ang itinuturing nitong pinakamortal na kaaway sa pulitika. Ang biro pa nga ng iba, kung hindi mapatalsik-talsik si Pangulong Arroyo sa pagkakasangkot nito sa Hello Garci, ang hindi nito pagbigay ng gawad kay FPJ ang tatapos sa kanya kung saka-sakali.

Rest in peace kay FPJ, at nawa’y masaya siya sa karangalang iginawad – pero hindi tungkol sa kanya ang artikulong ito.

Tulad ni FPJ, maituturing na isa rin sa pinakamasugid na kritiko ng gobyernong Arroyo, bagamat hindi singkontrobersyal, si Dr. Bienvenido Lumbera.

Ngayong taon, si Dr. Lumbera ang ginawaran ng katangi-tanging gawad bilang Pambansang Artista sa Literatura. Una na niyang tinanggap ang Gawad Cultural Center of the Philippines (CCP) sa Sining (Cultural Research) noong 1991. Siya rin ang hinirang para sa Ramon Magsaysay Award for Journalism, Literature and Creative Communication Arts noong 1993. Noong 1999, isa si Dr. Lumbera sa 100 Pilipinong inalayan ng Gawad Sentenyal sa Sining at Kultura ng CCP. Taong 2000 naman nang tanggapin niya ang Gawad Tanglaw ng Lahi mula sa Ateneo de Manila University.

Di man siya singkontrobersyal ni FPJ, naging ugat ng samu’t saring mga debate sa sirkulo ng mga kapwa niya manunulat at artista ang kanyang nominasyon para sa Pambansang Artista. Paratang pa ng isang manunulat, wala raw memorableng mga likhang-sining si Dr. Lumbera. Kung mayroon man, tanging ang mga maka-kaliwa, aktibista at rebolusyonaryo lamang ang tumatangkilik at nakakaalala. Siya raw kasi ang ‘kandidato ng mga komunista.’

Pero tulad ni FPJ, di-matatawaran ang mayamang ambag ni Dr. Lumbera sa Philippine/‘Filipino’ Literature:

Bilang isang artista at manlilikha, nakapaglimbag siya ng di-mabilang na mga bolyum ng tula sa Ingles at Pilipino tulad ng Likhang Dila, Likhang Diwa (1993), na muling inilabas noong 2002 kung saan idinagdag ang iba pa niyang mga tulang Balaybay, mga Tulang Lunot at Manibalang. Siya rin ang sumulat sa libretto ng mga musical na Tales of the Manuvu (1997); Ang Palabas Bukas (1979); Rama, Hari (1980); Bayani (1985); Noli Me Tangere the Musical (1994); at Sarsuwela sa San Salvador (1997). Para sa teatro, isinulat niya ang adaptasyong Nasa Puso ang Amerika (1984) mula sa nobela ni Carlos Bulosan na America is in the Heart. Ang kanyang sarsuwelang Hibik at Himagsik nina Victoria Laktaw ay nagwagi rin sa National Centennial Literary Contest. Ang lahat ng kanyang mga dulang Bayani, Noli, Nasa Puso at Hibik ay inilimbag sa isang antolohiyang inilabas ng De La Salle University Press noong 2003.

Bilang literary historian at kritiko, in-edit ni Dr. Lumbera kasama ng kanyang asawang si Cynthia Nograles ang Philippine Literature: History and Anthology (1982, 1997) na nananatiling instrumental sa pag-aaral ng literatura sa akademya. Siya rin ang general editor ng Filipinos Writing: Philippine Literature from the Regions (2001). Si Dr. Lumbera rin ang sumulat ng Tagalog Poetry (1570-1898): Tradition and Influences in its Development (1986); Revaluation: Essays on Philippine Literature, Cinema and Popular Culture (1984); Abot-Tanaw: Sulyap at Suri sa Nagbabagong Kultura at Lipunan (1987); at Writing the Nation/Pag-akda ng Bansa (2000). Noong 2005, naglabas si Prof. Rose Torres-Yu ng seleksyon mula sa kanyang mga kritikal na sanaysay sa Filipino bilang mga akdang-gabay para sa kanyang pagsusuri, ang Bayan at Lipunan, Ang Kritisismo ni Bienvenido Lumbera.

Sa kanyang malikhaing panulat at akda, naniniwala si Dr. Lumbera na ang mga manunulat at artista ay hindi lang lumilikha para isalarawan ang lipunan kundi baguhin ito kung kinakailangan. Ito marahil ang dahilan at ugat ng kontrobersiya sa kanyang nominasyon – ang lantad na pagkiling ng kanyang mga likhang-sining sa ‘masa’ at ang mapanuring kritisismo sa lipunan ng kanyang mga akda. Sa katunayan, nakulong na siya noong panahon ng Batas Militar ni Marcos dahil sa pangunguna niya sa pagbuo ng isang makabayang grupo ng mga manunulat at awtor.

Ngayon, sa mga rali, martsa at kilos-protesta, hindi nakagugulat na naroon si Dr. Lumbera. Para sa kanya, tradisyong isinasabuhay ang patuloy na pakikibaka ng mga manunulat at artista para sa hustisya, kalayaan at demokrasya. Maihahalintulad siya kay Amado Hernandez, na isinulat ang kalakhan ng kanyang mga akda sa loob ng piitan, at hinirang ding Pambasang Artista ilang taon matapos siyang pumanaw.

At kung totoo mang mas tinatangkilik ng masa, maka-kaliwa, aktibista, rebolusyonaryo ang kanyang mga akda, ito ay dahil hindi niya inihihiwalay ang kanyang sining sa kanyang nasyunalismo at paninindigan. Mas katangi-tangi kung gayon ang kanyang karangalan. ###

—–
*artikulong isinulat para sa Pinas, Pinoy tabloid sa ibang bansa
** litrato ni dr. lumbera noong bumisita siya sa Batasan 5 noong Easter; mula sa arkibong bayan

Advertisements
This entry was posted in Uncategorized and tagged . Bookmark the permalink.

One Response to Hibik at Himagsik: Si Dr. Lumbera, Pambansang Artista, Aktibista

  1. vencer says:

    ito na lang ilagay sa noypi!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s